ss_blog_claim=654b82dee1aa57a4f3e3c2ba6aa71943



Ang lakas… ang lakas ng sinag ng araw! Tila ito’y isang alagad na pinadala ng tadhana upang sadyang bulagin ang aking mga mata… ang aking isip ay nagliwaliw sa katotohanan na ang araw ay matagal na sisinag sa akin…

Ako’y nabulag… nawala ang landas! Di malaman ang gagawin, di malaman kung anong nangyayari. Ako’y binulag ng sinag ng araw! Hindi ako makapaniwala, ako’y nabulag!

Pero ako’y masaya at ako’y nabulag. Masaya ang nararamdaman ko dahil sinisinagan ako ng araw. Sa piling ng araw, ako’y masaya.

Pilit kong iniiwasan ang sinag ng araw. Ewan ko ba, pero nakakabulag talaga! Nais ko ang sinag ng araw… pero ayokong mabulag. Sa bukang liwayway ako’y pinadpad ng karosang malapula kasama ang dalawa pang kawal. Kaakibat ng aming punong ministro kami’y pumailalim sa landas ng kadiliman, upang makipagtunggalian sa ibang kawal ng kaharian. Isa itong tunggalian para makuha ang loob ng ama, ang ama na matagal na naming inaasam-asam.

Hindi kami handa sa laban. Walang armas, walang kabayo. Ang mga sarili lang namin ang dala namin… pero di mawadlit sa aking kinatatayuan ang sinag ng araw. Mukhang talagang nasasarapan na ako sa sinag ng araw…

Kahit hindi handa’y sumabak pa rin kami sa laban. Nasisinagan pa rin ako ng araw na nagpasaya sa’king bukang-liwayway, kaya ako’y naging inspiradong lumaban… lumaban hanggang sa kahuli-hulihang hininga, sayang at di nakamit ang unang gantimpala…

Mabait ang ama! Binigyan kami ng sari-sarili naming halimaw upang alagaan… binigyan din kami ng sariling mga kupita para inuman at sinama pa kami sa salu-salo ng kataas-taasang alagad. Mahirap ang naging laban, pero ako’y naging masaya. Kasi nasisinagan pa rin ako ng araw.

Ako’y umuwing bigo sa piling ng amaing. Agad kong kinausap ang araw, at nakangiti pa ring ninanamnam ang pagsikat nito sa akin. Mahirap sabihin kung pano ako napapasaya ng sinag ng araw, dahil baka bigla na lamang nitong ibaling ang sinag sa iba… parang ayokong mangyari yon… gusto kong nasisinagan pa rin ako ng araw.

Ibibigay ko ang halimaw sa araw, para sya na ang mag-alaga nito… sa tingin ko magiging masaya ang araw! At baka sinagan pa ko ng todo… pero sana huwag akong mabulag…

Dumaan ang dapithapon nang ako’y binato ng haring buhangin. Labas ng hangin, labas ng hangin. Dilat, pikit, dilat, pikit. Pilit niyayapos ang halimaw na iyon… nais ko na atang mahimlay sa higaang puno ng pako…

Nasinagan na naman ako ng araw! Ngayo’y kasama ko ang pulubi at ang mga maliliit na baryang nagsasayawan sa tuwa. Tuwang-tuwa ang pulubi sa pagsasayaw ng mga barya… kahit ako natuwa dahil alam ko ang indayog ng mga barya… nakakatuwa…

Ang sarap talagang masinagan ng araw… pero… napag-isip-isip ko, hindi kaya’t nakukulitan na sakin ang araw dahil maya’t maya’y nais kong masinagan nya ako? Wag naman sana… ayokong mawala ang araw…

Nagpunta ako sa mundo ng katahimikang luhod sa lahat, at kinausap ko ang pantas ng apat-sugat… tinanong ko sa kanya kung karapat-dapat nga ba akong sikatan ng araw, at kung dapat akong maging masaya kapag nasisinagan ako nito… Sana’y sa oras o dalawa’y sagutin ng pantas ng apat-sugat kung ako nga ba’y nabubulag lang sa sinag ng araw o talagang nasisiyahan…

Haaayyyy… sana hindi humantong sa puntong kelangang lumubog ang araw at sumikat ang buwan…


Leave a Reply

XHTML: You can use these tags: <a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>